Thursday, October 7, 2010

Para Kay Elysse

*i'm beginning to fall, more and more, in love with HER everyday.

Ngayon palang nakikini-kinita ko na ang magiging halaga mo sa buhay ko. Kung papaanong hindi pa man kita nakikita’y nahuhulog na ang loob ko sa’yo; animo’y balang araw daragdagan mo pa ang saysay ng mundo. Kung ano pa man ang nagawa kong mahusay para ikaw ang syang ibigay ay ipinagpapasalamat kong lubos.

Ngayon palang pinapangarap ko na ang iyong mga ngiti. Kahit pa imposibleng paraan para mapasaya ka ay iniisip ko nang malalim. Laging pinaplanong masaluhan ka sa lahat ng pait at giyera ng daigdig; pantasya kong tinig mo na’y marinig. Kung papaanong magniningning o iirap ang mga mata mo’y palaisipan kong parati.

Ngayon palang pangako ko nang magiging lakas mo ako’t takbuhan. Kahit ilang bagyo pa’y sasamahan kitang sumuong at umalpas; tatabihan kitang humiling sa mga tala at mabighani sa buwan. Kapag kulimlim ang langit mo, ako ang sayo’y aalalay; balang araw mararamdaman mo rin itong dakila kong pagmamahal.

1 comment: